Tadōshi at Jidōshi

Ang post na ito ay bilang isang tugon sa isang tagapagmasid na nagngangalang Rose, na nag-reply sa isa sa ating mga post.

Marami pong salamat sa pagpapakita ninyo ng interes at sa inyong katanungan.

Ang transitive verb at intransitive verb, sa Ingles, ay may katumbas sa Nihongo na kung tawagin at tadōshi (他動詞) bilang transitive verb, at jidōshi (自動詞) naman bilang intransitive verb.

Balikan po natin ang tungkol dito batay sa pinag-aralan natin sa paaralan. Ang tadōshi ay pandiwa na may ibang tao o bagay na gumawa ng aksyon, samantalang ang jidōshi naman ay ang pandiwang nangyari na walang gumawa ng aksyon galing sa labas, bagkus ay gawa ng sarili, o di kaya ay natural na nangyayari sa sarili.

Ang isang palatandaan ng jidōshi ay kapag naunang partikulong rito ay ang “wa” は o “ga” が, samantalang ang tadōshi naman ay kapag nauna rito ang partikulong “wo” を.

Kapag may pangungusap tayong binabasa ay malalaman na natin kaagad ang pagkakaiba, ngunit paano pag tayo ang gumagawa ng pangungusap?

Magbibigay ako rito ng ilang halimbawa ng mga pandiwang tadōshi at ang kanilang katumbas na jidōshi.

kaeru 変える kawaru 変わる = palit, bago
tsukeru 付ける tsuku 付く = sindi, kabit
kakeru 掛ける kakaru 掛かる = ukol (ng panahon, pera atbp.)
nakusu 無くす nakunaru 無くなる (i/ma)wala
kesu 消す kieru 消える = (ma)wala, patay, bura
miru 見る mieru 見える = tingin, (ma)kita
kiku 聞く kikoeru 聞こえる = dinig
tasukeru 助ける tasukaru 助かる = tulong (saklolo)
akeru 開ける aku 開く = bukas
shimeru 閉める shimaru 閉まる = sara
ireru 入れる hairu 入る = pasok, lagay (sa loob)
dasu 出す deru 出る = labas
sazukeru 授ける sazukaru = biyaya(an)
tomeru 止める tomaru 止まる = tigil
ikasu 生かす ikiru 生きる = buháy
okosu 起こす okiru 起きる = gising, (mang/nang)yari
ugokasu 動かす ugoku 動く = galaw, kilos
kiru 切る kireru 切れる = hiwa, gupit, ubos
noseru 乗せる noru 乗る = sakay
orosu 降ろす oriru 降りる = baba

Mga halimbawang pangungusap: Tadōshi at Jidōshi

おじさん、SMの前で(私を)降ろしてください! (Ojisan, SM no mae de oroshite kudasai!)
Mama, ibaba ninyo po ako sa SM.
おじさん、SMの前で(私は)降ります! (Ojisan, SM no mae de orimasu!)
Mama, bababa po ako sa SM.

皆さん、彼らを中に入れてください。 (Minasan, karera o naka ni irete kudasai!)
Papasukin ninyo sila sa loob.
皆さん、中に入ってください。 (Minasan, naka ni haitte kudasai!)
Pasok kayo sa loob!

部屋の電気がついている。 (Heya no denki ga tsuite iru.)
Bukas ang ilaw ng silid.
部屋の電気をつけるね。 (Heya no denki o tsukeru ne.)
Bubuksan ko ang ilaw ng silid.

Iilan lamang ito sa mga tadōshi at jidōshi ngunit ang mga nabanggit ko sa itaas ay halos mga pangkaraniwang ginagamit ng mga hapon sa pang-araw-araw nilang pakikipag-usap.

Malamang ay mayroon pa kayong mga alam na hindi ko nabanggit dito ngunit ang mahalaga ay kung paano gagamitin ang mga ito.

Patalastas

Simula sa Pebrero ay magkakaroon ako ng YouTube channel na maaari ninyong panoorin. Sa susunod kong post ay ibabahagi ko sa iyo ang mga detalye tungkol dito, kaya inyong antabayanan.

Dugtungan (4)

Malamang ay madalas ninyong marinig sa mga hapon sa kanilang pag-uusap ang mag ganitong dugtungan o salita. Narito ang kanilang mga kahulugan.

〜っけ (-kke) = () nga ba

Ginagamit kapag mayroon kang gustong itanong para makumpirma ang isang bagay na hindi mo matandaan o hindi mo masiguro.

Karaniwang ikinakabit ang 〜っけ sa hulihan ng pandiwang pangnagdaan, maliban sa salitang だっけ na nanggaling sa だ na pangkasalukuyan.

Mga Halimbawa:

今日は何処へ行くんでしたっけ

(Kyō wa doko e iku’n deshita-kke?)

Saan nga ba tayo pupunta ngayon?
なんだっけ

(Nan da-kke?)

Ano nga ba ‘yun?

 

〜って (-tte)

Ginagamit kapag magpapahiwatig ng isang mensahe o impormasyon na hindi galing sa nagsasalita. Ginagamit din ito sa pag-ulit sa isang utos o hiling.
Mga halimbawa:

あのおじさん、先月釈放されたんだって

(Ano ojisan, sengetsu shakuhō sareta’n da-tte.)

‘Yung mamang ‘yun, pinalaya raw siya nung nakaraang buwan.
明日行くって言われましたか?

(Ashita iku-tte iwaremashita ka?)

Sinabi bang pupunta bukas?
なんだって

(Nan da-tte?)

Ano’ng sabi mo?
もういい加減やめなさいって

(Mō iikagen yamenasai-tte!)

Sinabi nang tama na’t tigilan na ‘yan!

 

なんて〜(だろう)

なんて、なんちゃって

Nante… (darō)

Nante, nanchatte

Ang なんて kapag may だろう sa hulihan ng pangungusap, ay nagpapahiwatig ng malaking pagdamdam sa isang bagay o pangyayari.

Samantalang ang なんて o なんちゃって kapag ginamit nang walang kasunod na salita o pangungusap, ay nagpapahiwatig ng pagpapagaan o birong kahulugan ng mensaheng naunang nabanggit.

Mga halimbawa:

なんて輝かしき日なんだろう

(Nante kagayakashiki hi nan’darō!)

O, kay gandang araw naman!
なんて美しい女なんだろう

(Nante utsukushii onna nan’darō!)

Kay ganda namang babae ‘yan!

 

彼女、あなたのことが好きみたいよ。なんてね

(Kanojo, anata no koto ga suki mitai yo. Nante ne!)

May gusto yata siya sa iyo. Biro lang!

 
ランディーバスからのハーピーバースデー、なんちゃって

(Randy Bass kara no Ha-pi- ba-sude-. Nanchatte.)

Happy Birthday galing kay Randy Bass. Hehehe.

Talasalitaan at Dugtugan (3)

Ilan sa mga salitang ginagamit ko halos araw-araw sa pakikipag-usap ko sa mga Hapon ang ibabahagi ko sa inyo ngayon.

 

今更 (いまさら) – (Imasara) = Kung kailan (huli na ang lahat)

 

Mga halimbawa:

今更こんなことをやったって無駄よ!(Imasara konna koto o yatta-tte muda yo!)

Kahit ano pa ang gawin mo ay huli na ang lahat, wala nang pakinabang iyan.

いまさら私が許してあげてもあの人はもう戻ってこない。 (Imasara watashi ga yurushite agete mo, ano hito wa mo modotte konai.)

Kahit patawarin kita, hindi na siya magbabalik pa.

 

未だに(いまだに) – Ima da ni = Hanggang ngayon (ganito pa rin; wala pa ring pinagbago)

 

Mga halimbawa:

彼女は未だに疲れのない顔を見せているよ。大丈夫かな?(Kanojo wa ima da ni tsukare no nai kao o misete iru yo. Daijobu ka na?)

Hanggang ngayon ay parang walang kapagurang ang ipinapakita niyang mukha. Ayos lang kaya siya?

ワープロを使っている人は未だにいます。 (Wapuro o tsukatte iru hito wa ima da ni imasu.)

Hanggang ngayon ay mayroon pa ring gumagamit ng typewriter.

 

~だからと言って (dakara to itte) – Hindi dahil ~ ay ibig sabihin ~

 

Mga halimbawa:

私が宝くじに当たったからと言って、億万長者になったとは限らないよ。 (Watashi ga takarakuji ni atatta kara to itte, okumanchoja ni natta to wa kagiranai yo.)

Hindi dahil nanalo ako sa lotto ay ibig sabihin milyunaryo na ako.

あの人が偏屈だからと言って、悪い人とは限らない。 (Ano hito ga henkutsu dakara to itte, warui hito to wa kagiranai.)

Hindi dahil sa tagilid siya ay ibig sabihin masama na siyang tao.

[Ang だからと言って ay madalas dugtungan ng salitang とは限らない (to wa kagiranai)]

Dugtungan (1)

~たて (~tate) = Ka~ pa lamang; Bagong ~
Ginagamit kapag nagsasaad ng isang pangyayaring nagsimula pa lamang. Subalit may limitasyon sa paggamit nito. Mas ginagamit ito sa isang bagay na hindi mawawala kahit sa sandaling panahon.

生まれたての子羊って、どんな歩き方をするのだろう? (Umaretate no kohitsuji tte, donna arukikata o suru no darou?)
Paano kaya maglakad ang tupang kapapanganak pa lang?
こちらのパンは焼きたてなので、お早めにお買いください。 (Kochira no pan wa yakitate desu node, ohayame ni okai kudasai.)
Bagong hango pa lang po and tinapay rito kaya bumili na po sila kaagad.

~かけ (~kake) = Hindi pa tapos ~; hindi pa ~ lahat; Pa~
Ginagamit sa pangungusap na nagsasaad ng isang pangyayaring hindi lubos na naganap.

この飲みかけのコーヒー、誰のですか? (Kono nomikake no ko-hi-, dare no desu ka?)
Kanino po itong kapeng hindi pa nauubos?
あなたの沈みかけの心を救う妻がいるじゃないか。(Anata no shizumikake no kokoro o sukuu tsuma ga iru janai ka.)
Nandiyan naman ang asawa mong sasaklolo sa puso mong halos palubog na.

~きる (~kiru) = (Na/Ma)~ (in/hin) lahat
Ginagamit kapag nagsasaad ng pangyayaring lubos na magaganap, nagaganap o naganap.

おととい提出してくれた書類を今日必ず読み切るよ。 (Ototoi kashite kureta shorui o kyo kanarazu yomikiru yo.)
Titiyakin kong basahin lahat ngayon yung mga papeles na ipinasa mo sa akin nung makalawa.
先月までたまった休暇を来月に繰り越されないから、今月使い切った方がいいよ。 (Sengetsu made tamatta kyuka o raigetsu ni kurikosarenai kara, kongetsu tsukaikitta hou ga ii yo.)
Yung natirang leave mo nung nakaraang buwan e hindi maililipat sa susunod na buwan, kaya mas maganda kung gamitin mo na lahat ngayong buwan.

使い方/Paggamit:

Sa lahat ng mga kontekstong nabanggit, ang pagdugtong sa mga pandiwa ay tulad ng nasa ibaba:

動詞+ます → 動詞+たて・かけ・きる
Pandiwa+masu → Pandiwa+tate/kake/kiru

補足/Karagdagan

Bagaman ang paggamit ng ~tate at ~kake sa mga halimbawang nabanggit ay ginamit bilangan pangngalan, maaari ring gamitin ang mga ito bilang pandiwa. Sa puntong ito, ang ~tate ay magiging ~tateru, at ang ~kake naman ay magiging ~kakeru.;

Paggamit ng sore at are…

Sa mga nag-aaral ng Nihongo, lalo na sa mga nagsisimula pa lang, malamang alam na ninyo ang paggamit ng sore (それ) at are (あれ), kasama ng kore (これ), at dore (どれ).

Kung medyo itataas natin ang lebel, may iba pang gamit ang sore at are, lalo na sa ganitong sitwasyon.

 

A:  真山さんのこと、知っている? (Mayama-san no koto, shitteru?)

Kilala mo ba si Mayama-san?

B:  いや、知らない。誰、それ? (Iya, shiranai. Dare, sore?)

Hindi. sino siya?

 

Isa pa…

A:  熊谷さんという方からお電話が入りました。あなたには用事があるみたいですよ。 (Kumagai-san to iu kata kara o-denwa ga hairimashita. Anara ni wa yoji ga aru mitai desu yo.)

May tumawag sa iyo kanina, si Kumagai-san daw siya. Mukhang may pakay.

B: あ、あの背の高くて白髪の多い人か。先日ここにいらしたんだよ。(A, ano se no takakute shiraga no ooi hito ka? Senjitsu koko ni irashita-n da yo.)

 A, yung matangkad na ubanin? Siya yung nagpunta nung nakaraan dito.

 

Kahit papaano ba ay nakuha ninyo ang pagkakaiba?

Ang paggamit ng それ at あれ (gayundin ang その at あの) sa mga pangungusap na naibigay ay nagpapahiwatig ng pagkakakilala o pagkakaalam ng isang tao o bagay.

Kapag tinutukoy ng nagsasalita ang isang bagay o tao na hindi niya alam o hindi niya kilala, ginagamit ang mga salitang それ at その.

Kapag tinutukoy naman ng nagsasalita ang isang bagay na alam niya o isang taong kilala niya, ginagamit ang mga salitang あれ at あの.

Ngunit, ginagamit lamang ang mga salitang ito kapag ang nagsasalita ay may kausap, at hindi ginagamit sa mga sulatin o teksto.

Gayunpaman, maaari ring gamitin ang mga salitang soko (そこ), asoko (あそこ), sonna (そんな), anna (あんな) at mga kahawig nito sa ganitong konteksto.

Mga Pangkaraniwang Salita (1)

 

おじさん (Ojisan) = mama
おばさん (Obasan) = ale

Halimbawa:
おばさん、もう天国に着いたのかね。 (Obasan, mou tengoku ni tsuita no ka ne.)
Ale, nasa langit na ba ako?
おじさん、もしかして聖ペテロではないでしょうか? (Ojisan, moshikashite, sei-Petero de wa nai deshou ka?)
Mama, kayo po ba si San Pedro?

———————————————————————-

あくまで(も) (akumade(mo)) – noon pa man; sa simula pa man; dati pa man

Halimbawa:
あくまで結婚する気がないから、恋するなんてまだ考えたくはない。 (Akumade kekkon suru ki ga nai kara, koi suru nante mada kangaetaku wa nai.)
Kahit noon pa man wala akong balak magpakasal, kaya ayaw ko munang mag-isip na umibig.
従うしかないだろう。あくまで決まってるもんだから。 (Shitagau shika nai darou. Akumade kimatteru mon dakara.)
Dati pa man rule na yan, kaya wala tayong magagawa kundi sumunod.

———————————————————————-

どうせ (douse) = tutal

Halimbawa:

どうせ行くって言ったなら、行けばいいでしょう。 (Douse iku tte itta nara, ikeba ii deshou.)
Tutal nasabi ko na rin na pupunta ako, edi punta na ako.

———————————————————————-

別に (betsu ni) = wala lang; wala namang (masama)

Halimbawa:

そっち何笑ってんの? (Socchi, nani waratten no?)
Anong itinatawa mo diyan?
ううん、別に (Uun, betsu ni.)
Wala lang.

男:写真を送ろうと思ったんだけど、彼氏がいりゃ、メアドとか聞けないか。 (Shashin o okurou to omottan dakedo, kareshi ga irya, meado toka kikenai ka.)
Lalaki: Magpapadala sana ako ng picture, pero may boyfriend ka baka hindi pupuwedeng mahingi mail address mo.
女:別に、それはいいんじゃない? (Betsu ni, sore wa iin janai?)
Babae: Wala naman sigurong problema (kung hihingin mo), di ba?
男:いいか?どうせ友達だしね。 (Ii ka? Douse tomodachi da shi ne.)
Lalaki: Sige na nga. Tutal, magkaibigan naman tayo e.

Paggamit ng –te oku (~ておく)

 

Ating tignan ang mga halimbawa sa ibaba.

里美に渡します。(さとみにわたします。)
= Ibibigay ko kay Satomi.
里美に渡しておきます。(さとみにわたしておきます。)
= Ibibigay ko (na) kay Satomi.

Sa wikang Tagalog, kapag ang pangungusap tulad ng nasa itaas ay may "na" pagkatapos ng isang pandiwa, nangangahulugan na
ang isang aksyon ay kailangan nang gawin kaagad o sa madaling panahon. Nangangahulugan din na may layunin para gawin ang bagay ayon sa pandiwa.
Ang gamit ng "~ておく" ay halos ganito ang diwa.

Gawin nating diwang pangnagdaan ang mga pangungusap na nasa itaas.

里美に渡しました。(さとみにわたしました。)
= Ibinigay ko kay Satomi.
里美に渡しておきました。(さとみにわたしておきました。)
= Ibinigay ko na kay Satomi.

Marahil malalaman ninyo na ang pinagkaiba ng dalawang pangungusap.
Sa unang pangungusap, maaaring walang layunin ang pagbibigay ng isang bagay kay Satomi, ngunit sa sumunod na pangungusap, ang pagbibigay ng isang bagay kay Satomi ay may kahulugan, na may layunin sa paggawa ng bagay na iyon. Maaaring sundin ang pangungusap na iyon tulad ng "para hindi ko na makalimutan" o "para magamit na niya kaagad", na siyang nagbibigay ng kahulugan na layunin.

Sa kabuuan, ang ~ておく ay para sa pagpatupad ng isang gawain para sa layunin na dapat mangyari.

Ilan pang mga halimbawa sa paggamit ng "~ておく":

里美に渡しておいて。(さとみにわたしておいて。)
= Ibigay mo na kay Satomi.
失敗しない為に練習しといてください。(しっぱいしないためにれんしゅうしといてください。)
= Magpraktis ka na para hindi ka pumalpak.

明日は真一にそれを見てもらってほしいから、彼に連絡しておいてね。(あしたはしんいちにみてもらってほしいから、かれにれんらくしておいてね。)

= Gusto kong patignan kay Shinichi ‘yan bukas kaya pakitawagan na siya a.

Ano ba ‘yan?

皆さん、ご無沙汰ですね。

Kaytagal ko ring hindi nakapaglagay ng post sa blog na ito. Humihingi ako sa inyo ng paumanhin.

Nung nakaraang Biyernes lang ay lumapit ang kaibigan kong Hapon sa akin, at nagtanong lang ng isang bagay. Paano raw ba natin binibigkas ang salitang “Ano ba ‘yan?” o sa kanilang wika ay 何だ、それ(は)?

Dahil sa Hapon siya, dapat lang na ibigay natin sa kanila kung paano iyon bibigkasin sa kanilang wika. Kaya heto ang isinagot ko sa kaniya.

「アノ バ ヤン?」

Kung ating iisipin ang tunay na ibig sabihin niyon, ang pinaka-angkop na salin ng 何だ、それは sa ating wika at “Ano iyan?”

Ngunit, kung ang tanong na ito at lalagyan ng “ba” (para maging “Ano ba iyan?”), ang tanong ay nadaragdagan ng kahit kaunting pagpapahiwatig ng kagustuhang malaman ng nagtatanong. Kung ating isasalin sa wikang Hapon, ang “ba” ay なん (o mas pormal na なの) sa wikang Hapon, at ang salitang “Ano ba ‘yan?” ay magiging katumbas ng 何なんだ、それは?.

Samakatuwid, ang mga pangungusap ng pagtatanong na may dagdag na なん ay maaaring ihalintulad sa salitang “ba” sa wikang Tagalog.

Karagdagan sa pagsagot ko sa tanong ng aking kaibigang Hapon, naituro ko rin sa kaniya ang mga pangungusap tulad ng:
Ano ba ‘to? 「アノ バ トー」 = 何なんだ、これ(は)?
Ano ba ‘yun/Ano ba ‘yon? 「アノ バ ユン/アノ バ ヨン」 = 何なんだ、あれ(は)?

Talasalitaan 1

Sa bahaging ito, magbibigay ako ng ilang mga salita sa Nihongo na kadalasang ginagamit sa pakikipag-usap.

 

よりによって (yori ni yotte) – [sa dinami-rami ng…]

Halimbawa:

よりによってあいつを紹介するのか? (Yori ni yotte aitsu o shoukai suru no ka?)

[Sa dinami-dami ng ipakikilala mo, siya pa?]

May limitasyon sa paggamit ng salitang ito. Ang [sa dinami-dami ng…] ay maaaring gamiting sa isang positibong pangungusap, na kung saan ang よりによって ay hindi naaangkop sa gayong pangungusap. Ang よりによって ay karaniwang ginagamit sa mga pangungusap na kung saan hindi inaaasahan ng nagsasalita ang pangyayari at hindi ayon sa kanyang damdamin.

 

せっかく (sekkaku) – [… na rin lang]

Halimbawa:

1.) せっかく才能があるのに、どうして一生懸命頑張っていないの? (Sekkaku sainou ga aru no ni, doushite isshoukenmei ganbattei inai no?)

[May talento ka na rin lang, bakit hindi mo ginagaligan ng husto?]

2.) せっかく料理を作ってもらったから、食べ切りましょうよ。 (Sekkaku ryouki o tsukutte moratta kara, tabekirimashou yo.)

[Ipinagluto na rin lang tayo ng pagkain, ubusin na natin ito.]

Tip: Kapag ang salitang せっかく ay ginamit sabay ng mga salitang nagpapahiwatig ng dahilan tulad ng から, から, o ので, maaari ring gamitin ang pattern na ~からには (~kara ni wa) pagkatapos ng clause na nagpapahiwatig ng dahilan.

Halimbawa: 

せっかく試合に出るから、勝ちたいと思います 。 (Sekkaku shiai ni deru kara, kachitai to omoimasu.)

= 試合に出るからには、勝ちたいと思います。 (Shiai ni deru kara ni wa, kachitai to omoimasu.)

[Makakasama na rin lang ako sa laro, gusto kong manalo.]

 

態と - わざと (wazato) – sadya; sinasadya; sinadya

Halimbawa:

あなたを喜ばせてあげたいから、態と家族に会わせにきた。 (Anata o yorokobasete agetai kara, wazato kazoku ni awase ni kita.)

[Gusto ko sana kitang pasayahin, kaya sinadya kong ipagtagpo kita ng pamilya mo.)

 

(は)ともかく ({wa} tomokaku) – [maliban kay, puwera kay]

Halimbawa:

幸恵さんはともかく、みんなは爽やかな笑顔をしてくれた。 (Sachie san wa tomokaku, minna wa sawayaka na egao o shite kureta.)

[Maliban kay Sachie, lahat sila ay nagbigay ng magandang ngiti.]

Paggamit ng は (wa) at が (ga)

Marahil marami po sa mga nag-aaral ng Nihongo ay nakaranas na o nalilito pa rin kung paano gagamitin nang wasto ang mga particle na は at が. Ako mismo noon at nalilito rin. Ngunit, kung tutuusin ay may katumbas iyon sa Tagalog.

 

Ang paggamit ng は at が ay may kanya-kanyang pagkakaiba batay sa sitwasyon. May mga pangungusap na sabay ginamit ang は at が at may mga pangungusap din na naiiba ang kahulugan kapag ginamit sa isang pangungusap. Sa post na ito, aking ipaliliwanag ang isang pagkakaiba ng は at が gamit ang dalawang pangungusap.

 

Heto po ang isang halimbawa:

  1. 仕事をしています。 (Watashi wa kono shigoto o shite imasu.)  [Ako ay gumagawa ng trabaho.]
  2. この仕事をやっています。(Watashi ga kono shigoto o yatte imasu.)  [Ako ang gumagawa ng trabahong ito.]

 

Kung atin lamang babasahin ang pangungusap na nasa Nihongo, malamang ay hindi natin kaagad maiintindihan ang pagkakaiba ng dalawa. Ngunit pagmasdan natin ang pagkakaiba nito kapag ating nai-translate sa Tagalog.

Sa unang pangungusap, ating mapapansin na ang  naging katumbas ng は ay ang ‘ay’, samantalang ang が ay naging katumbas ng ating ‘ang’ sa Tagalog.

Bagaman sinasabi ng ilang mga textbook sa Nihongo na nagdaragdag ng “emphasis” sa subject ang particle na が, malamang karamihan sa atin ay hindi pa rin ito mauunawaan sa madaling panahon. Ngunit kung iisipin natin na ang katumbas ng ay ‘ay’, at ang ay ‘ang’ sa Tagalog, marahil ay ating mauunawaan kaagad.

Karagdagan pa, kung ating pupunahin ang pagkakaiba ng dalawang pangungusap na nasa Tagalog, may impact sa nakikinig ang pangalawang pangungusap kay sa unang pangungusap. Kung gagamitin sa normal na pag-uusap, ang unang pangungusap (na gamit ang ‘ay’) ay nagpapaliwanag lamang ng kanyang sitwasyon, samantalang ang pangalawang pangungusap (‘ang’) naman ay nagpapahiwatig ng kanyang sitwasyon o damdamin.

 

Ilan pang halimbawa:

  1. 私は彼に仕事を任せました。 (Watashi  wa kare ni shigoto o makasemashita.)  [Ako ay nagpakatiwala sa kanya ng trabaho.] – pagpapaliwanag
  2. 私は彼に仕事を任せました。 (Watashi ga kare ni shigoto o makasemashita.) [Ako ang nagpakatiwala sa kanya ng trabaho.] – pagpapahiwatig

 

Ilang patnubay:

Ang link sa ibaba ay naging isang batayan sa post na ito. Nagpapasalamat ako kay reon ng Timog Forum sa kanyang naibahagi.